Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na hindi apektado ang tulong nila sa mga naapektuhan ng magnitude 6.5 na lindol sa Kabisayaan sa kabila ng pagiging abala nila sa pagtulong sa mga tinamaan ng lindol sa Luzon.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, sapat ang pondo ng pamahalaan para umagapay sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan sa Visayas at Luzon.
Sa katunayan mayroong mahigit 328 thousand family food packs ang DSWD at mayroong available na food at non-food items na nagkakahalaga ng mahigit 765 million pesos para itulong sa mga apektado pamilya.
Kumikilos na rin aniya ang kanilang regional office sa Eastern Visayas para matukoy kung ano pa ang mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa pagsusuri sa mga nasirang imprastraktura at rehabilitasyon.
Ngunit aminado si Director Posadas na kung titingnan ang laki ng epekto mas malaki ang problema sa Luzon partikular sa Pampanga kung saan nakapagtala ng maraming nasawi at nasugatan matapos maranasan ang 6.1 magnitude na lindol sa ilang lugar sa Central Luzon.