Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na natututukan nila ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng Magnitude 6.5 na lindol sa Eastern Samar.
Ito ay sa kabila ng pagiging abala sa pagresponde sa mga tinamaan ng lindol sa Luzon.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, sapat ang pondo ng pamahalaan para umagapay sa pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Luzon at Visayas.
Katunayan, may mahigit 328,000 family foodpacks ang DSWD bukod pa ang 765-Million pesos na halaga ng food at non-food items.
Kumikilos na rin aniya ang kanilang Regional Office sa Eastern Visayas para matukoy kung ano pa ang kailangan ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusuri ng mga nasirang imprastraktura at rehabilitasyon.
Pero aminado si Posadas na kung pagbabasehan ang laki ng epekto ng lindol mas malaki ang problema sa Luzon partikular sa Pampanga kung saan may mga nasawi at nasugatan.