Walang alam ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa desisyon ng Philippine National Police (PNP) na ihinto ang paglalabas ng datos sa mga nasawi sa Bagyong Odette.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, hindi humiling ang kanilang tanggapan maging ang Office of Civil Defense sa PNP na itigil na ang paglalabas ng kanilang mga ulat sa death toll.
Una nang sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Roderick Augustus Alba na ang dahilan kaya hindi na muna sila maglalabas ng datos ay para hindi na nagugulo ang datos ng NDRRMC.
Malayo kasi ang agwat ng datos ng mga namatay, nasugatan at nawawala ng PNP at NDRRMC.
Nabatid na mahigit 300 na ang nasawi sa tala ng PNP habang mahigit 100 pa lang ang napaulat na nasawi sa NDRRMC.
Paliwanag ni Timbal bineberipika pa kasi ng NDRRMC kung may kinalaman talaga sa Bagyo ang lahat ng mga nasawi.