Sinita ng mga Senador sa budget hearing ng Senado ang National Electrification Administration (NEA) dahil sa mga poste ng kuryenteng hindi pa rin naililipat sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Dismayado ang mga Senador na dahil sa nabanggit na mga poste ay hindi pa rin madaanan ang mga kalye na kasama sa road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na.
Giit ng mga Senador, delikado dahil magiging sanhi ito ng aksidente at dahilan din kaya ang ibang kalye ay ginagawa na lang parking lot o pinupwestuhan ng mga nagtitinda.
Paliwanag naman ni NEA Administrator Edgardo Masongsong, may memorandum ang DPWH sa mga electric cooperatives para sa paglilipat ng mga poste na tatamaan ng road widening projects.
Lumalabas sa hearing na may pondo naman para sa paglilipat ng nabanggit na mga poste pero tila kulang magaling na plano at koordinasyon ang mga kinauukulang ahensya kaya hindi ito nagagawa.