Magsasagawa ang Mataas na Kapulungan ng Senado ng necrological service para sa yumaong si dating Senador Rodolfo Biazon.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa susunod na Lunes, June 19, alas-10:00 ng umaga gagawin ang necrological service para sa dating senador.
Dadalhin sa Senado ang mga labi ni Sen. Biazon kung saan dadaluhan ito ng mga kapamilya, malalapit na kaibigan at mga kasalukuyan at dating senador na magbibigay ng eulogy o tribute sa dating mambabatas.
Dahil nasa Estados Unidos pa si Zubiri, sinabi nito na magpapadala siya ng video message para sa necrological service.
Kanina ay inilagay na sa ‘half-mast’ ang bandila ng Pilipinas sa harap ng gusali ng Senado na ginagawa kapag may pumanaw na senador.
Sa pahayag naman ni Zubiri sa pagpanaw ng dating mambabatas, ‘bittersweet’ ang Araw ng Kalayaan ngayon dahil nagluluksa ang buong bansa sa pagkawala ng isa sa pinakamatatag na tagapagtanggol ng kapayapaan at demokrasya na ating tinatamasa sa ngayon.
Ipinagpapasalamat pa ng lider ng Senado na nagkaroon pa sila ng pagkakataong makasama ang yumaong mambabatas sa kanilang Senate reunion noong Oktubre kung saan ipinakita pa rin ni Senator Biazon ang kanyang pagiging ‘fountain of guidance at wisdom’ para sa mga kasalukuyang miyembro ng Mataas na Kapulungan.