
Pinakikilos ni Senator Joel Villanueva ang National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyakin ang maayos na implementasyon ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) plan 2025-2034.
Ang programang ito ay inilunsad nito lamang April 11.
Ayon kay Villanueva, bagamat kapuri-puri ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa noong Pebrero 2025 kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon, mahalagang mabatid na nananatili pa rin ang mga seasonal job sa bansa lalo ngayong papalapit na local at national elections.
Nais masiguro ng senador ang full rollout ng programa para mas lalo pang makatulong sa pagbibigay ng angkop na trabaho sa mga kababayan.
Sinabi ni Villanueva na itinulak niya noon ang pag-apruba ng TPB Act para mabawasan na ang seasonal na mga trabaho at makalikha ng mas maraming permanenteng trabaho na akma sa mga industriya ngayon.