Umani ng batikos sa Trade Union Congress of the Philippines ang ₱64 na araw-araw na budget sa pagkain na pagtaya ng National Economic Development Authority (NEDA) para sa bawat pamilyang may limang miyembro.
Ayon kay TUCP Vice President Luis Corral, insulto ito sa mga manggagawang Filipino lalo na sa harap ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Wala aniyang mararating ang naturang halaga na hindi lamang nakasasakit ng damdamin kundi mapanganib.
Ang pagtutulak aniya ng napakasamang food poverty threshold ay kasiraan sa isinusulong na adhikain ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pa-angatin ang buhay ng mga mahihirap na mamamayan sa ilalim ng bagong Pilipinas.
Sa halip aniyang mapabuti, malnutrition ang kahihinatnan ng bawat kabataang Filipino na ayon sa UNICEF Philippines ay dahilan nang pagkamatay ng 95 bata sa Pilipinas araw-araw.