Nakalusot na rin sa komite ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Sa confirmation hearing, nausisa ni Cong. Johnny Pimentel si Balisacan kaugnay sa umano’y iregularidad na natuklasan ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na may P73.64 million na incentives na pinamahagi noon sa mga NEDA executives na hinugot mula sa savings ng ahensya.
Tugon ni Balisacan, ito ay nangyari noong 2012 kung saan siya rin ang NEDA chief at batay sa desisyon ng COA nito lamang January 2022, napatunayang “in good faith” ang pagbibigay ng insentibo sa mga NEDA executive.
Maliban dito, hiningan naman ni CA Majority Leader Cong. Lray Villafuerte si Balisacan ng panig at komento nito kaugnay sa Maharlika Wealth Fund (MWF) bill lalo’t mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay inamin na ideya niya ang nasabing panukala habang ang ilang ekonomista ay sinabing ‘beyond repair’ ang itinutulak na sovereign fund.
Ayon kay Balisacan, nirerespeto niya ang opinyon ng ibang mga ekonomista.
Suportado naman niya ang Maharlika fund pero anumang batas na ipinapasa ng Kongreso, mabuti man ito o hindi ay depende sa governance o sa pamamahala ang pagiging epektibo ng batas.
Dagdag pa ni Balisacan, nakasalalay din sa disenyo at framework ng panukala ang magiging pakinabang ng bansa sa binubuong MWF bill.
Bukas pa inaasahang maisasalang sa plenary approval si Balicasan kasabay nina Transportation Sec. Jaime Bautista at DHSUD Sec. Jose Rizalino Acuzar na unang nakalusot din sa komite ng CA.