Kinakailangang paghahanda ngayon pa lamang ang pinakamatinding scenario ng strong El Nino sa susunod na taon.
Ito ang ginawang paghikayat ni National Economic Development Authority o NEDA Secretary Arsenio Balisacan hindi lamang sa mga ahensiya ng gobyerno kundi maging sa publiko.
Ayon kay Balisacan na kailangan nang mag-preposition ngayon ng mga binhi ng mga pananim na hindi kailangan ng masiyadong tubig para masiguro na may sapat na maitatanim ang mga magsasaka at kumita pa rin kahit papano.
Panahon na rin aniya na kailangang maihanda ang irrigation systems upang magamit sa sandaling wala nang masyadong ulan na darating sa bansa.
Sinabi pa ni Balisacan, hindi lamang ang suplay ng pagkain ang kailangang mapaghandaan sa halip maging ang tubig, kalusugan at public safety sa pangkabuuan.
Sa panig aniya ng NEDA, regular ang kanilang gagawing pagbabantay sa market supply at ang demand ng mga pangunahing bilihin para mapayuhan nila ang mga ahensiya ng gobyerno, ang presidente, at mga miyembro ng gabinete ng mga hakbang na dapat maipatupad.
Halimbawa ayon sa NEDA secretary ang epekto ng strong El Niño sa produksyon ng bigas, kaya dapat maghanap ng ibang opsyon upang maagapan ang posibleng idulot na kakulangan sa suplay nito kalaunan.
Nagbibigay rin aniya ang NEDA ng payo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bilisan ang deployment ng food assistance gaya ng food stamp program sa maraming bahagi ng bansa upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom.