Kailangan nang maibaba ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) habang pinapahusay ng pamahalaan ang prevent, detect, isolate, treat at recover (PDITR) strategy para maibaba ang COVID-19 rate sa rehiyon.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua, dapat mapaluwag ang quarantine status sa NCR sa kalagitnaan o katapusan ng buwan.
Iginiit ni Chua na hindi maaaring ilagay ang NCR sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ng buong taon.
Dapat aniya gamitin ang panahong ito para paigitingin ang mga hakbang laban sa pandemya para muling mabuksan ang ekonomiya.
Punto pa ni Chua, malaki ang kontribusyon ng NCR sa economic performance ng bansa na nasa 42.6% sa services sector at 20.8% sa industrial sector.
Ang NEDA ay nakikipagtulungan sa Local Government Units (LGUs) at government agencies para gawing automate ang manual contact tracing system.