Pabor ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagbubukas ng ekonomiya sa paraang ligtas kaysa urong sulong dahil kailangang maghigpit sa mga patakaran sapagkat tumataas na naman ang kaso ng COVID-19.
Ito ang pahayag ni NEDA Usec. Rosemarie Edillon sa tanong kung napapanahon na bang isailalim ang buong bansa sa Alert Level 1.
Ayon kay Edillon, malaki ang maitutulong sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya kung ilalagay na sa Alert Level 1 ang buong bansa pero mayroon pa rin aniyang metrics o panuntunan na kailangang sundin.
Kabilang aniya dito ay dapat mataas na o nasa at least 70 to 80% ang vaccination rate sa isang lugar bago ito isailalim sa Alert Level 1.
Katwiran ni Edillon, mabuti nang sigurado at hindi patigil-tigil ang pagbubukas ng mga negosyo kaysa laging nauudlot sa tuwing tumataas ang kaso ng COVID-19.
Kasunod nito, muling ipinaalala ng opisyal sa publiko na dapat pa ring sundin ang minimum public health standards lalo na ang pagsusuot ng face mask para maiwasang tamaan ng COVID-19.