NEDA, tiniyak ang patuloy na pagbuo ng mga dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino

Sa harap ng patuloy na pagbaba ng unemployment rate sa bansa, binigyang-diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pamumuhunan at pagpapatupad ng mga reporma sa paggawa upang mas mapaunlad ang kalidad ng trabaho para sa mga Pilipino.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, patuloy ang pamahalaan sa paggawa ng mga reporma pagdating sa pagpapalakas ng pamumuhunan at labor market.

Kabilang aniya sa nag-ambag sa pagtaas ng demand para sa mga manggagawa sa konstruksyon ang mga proyektong pang-imprastraktura at ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program.


At para matiyak aniya ang patuloy na pag-unlad ng labor market, bumuo ang NEDA ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) Plan, isang komprehensibong plano para sa paglikha ng trabaho at pagbangon ng ekonomiya.

Inaasahang matatapos ang planong ito sa pagtatapos ng taon.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4.1% ang unemployment rate noong May 2024 kumpara sa 4.3% na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.

Facebook Comments