Nilinaw Department of Health (DOH) na hindi na kailangan magdala ng negative COVID-19 test result ang mga gustong mag-donate ng dugo.
Ayon kay DOH – National Voluntary Blood Services Program Manager Dr. Marites Estrella, ang mga malusog na indibidwal lamang ang pinapayagang maging blood donor.
Aniya, sinasala ang mga blood donor bago pumunta sa blood center o blood bank.
Giit ni Estrella, kailangang maging tapat ang mga blood donor tungkol sa kanilang kalusugan.
“Mayroon na tayong tinatawag na prescreening po, ibig pong sabihin bago po kayo pumunta sa ating blood center o blood bank ay mayroon nang mga tanong na dapat natin sagutin para po maiwasan na po iyong pagpunta ng ating mga blood donor na hindi naman sila qualified pa mag-donate. So sinasala na po natin. And of course, iyong mga health protocols po natin, kung ano iyong mga sintomas ng COVID-19 at exposure nila, tinatanong na rin natin diyan,” ani Estrella.
Paalala ni Estrella, ang mga blood donor ay kailangang 18 hanggang 65 ang edad, walang kondisyon sa kalusugan, may timbang na at least 110 pounds o 50 kilograms at may sapat na tulog.