Monday, February 16, 2026

Negosasyon para sa bilateral free trade agreement ng Canada at Pilipinas, sisimulan na sa Miyerkules —DFA

Nakatakdang simulan ng Pilipinas at Canada ang unang round ng negosasyon para sa bilateral free trade agreement ngayong Pebrero.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), magsisimula ito sa Pebrero 18, araw ng Miyerkules, at magtatagal hanggang Pebrero 20.

Layon ng negosasyon na makumpleto ang kasunduan ngayong taon, kasunod ng naging pag-uusap nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney noong nakaraang taon sa Indonesia.

Suportado ng dalawang bansa ang kasunduan dahil inaasahang makakatulong ito upang mapalakas ang kalakalan at makahikayat ng mas maraming foreign talent at expertise.

Sa isinagawang pulong ng Philippine-Canada Joint Commission on Bilateral Cooperation na ginanap nitong Pebrero, tinukoy ng pamahalaan ang pag-usad ng negosasyon bilang isang mahalagang milestone na nagpapakita ng positibong momentum sa ugnayan ng dalawang bansa.

Una nang inihayag ng Canadian Foreign Affairs Ministry na mataas ang suporta ng Canadian stakeholders para sa posibleng trade agreement dahil nakikita nila ang benepisyo nito sa kalakalan.

Facebook Comments