
Lumantad na ang isang negosyante na naghain ng reklamo laban kay Davao City Rep. Pulong Duterte.
Sa isang panayam sa Quezon City, sinabi ni Kristone John Patria, wala nang atrasan ang kaniyang paghahain ng reklamo laban sa kongresista.
Kahit na nangangamba aniya sa kaniyang kaligtasan, naglakas na siya ng loob dahil naghahanap siya ng hustisya.
Kabilang sa mga isinampa niyang reklamo laban kay Pulong Duterte ay grave threat at physical injuries.
Ito ay matapos siyang saktan nang ilang beses at sinuntok habang may hawak pa na kutsilyo.
Muling iginiit ng biktima na kusang loob niya ang pagsusulong ng kaso at walang sinuman na naghikayat sa kaniya para magsampa ng kaso.
Taliwas ito sa mga alegasyon na may halong politika ang pagsasampa ng kaso laban kay Congressman Duterte.









