Negosyante, Patay sa Riding-in-Tandem!

Cauayan City, Isabela- Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pamamaril ng riding in tandem sa isang negosyante sa bahagi ng Gaddang Street, Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang biktima na si Noemi Maranan, 54-anyos, byuda, negosyante at residente ng Gaddang Street, Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya habang ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo ay inaalam pa ang pagkakilanlan ng mga ito.

Magugunita na dakong 6:50 ng umaga kamakalawa, habang naglalakad ang biktima patungo sa kanyang stall o tindahan sa naturang lugar ay biglang itong pinagbabaril ng riding in tandem criminals gamit ang Caliber 45.


Nagtamo ng dalawang tama sa mukha ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj.Ferdinand Laudencia, OIC ng PNP Solano, sa isinagawang manhunt operation at beripekasyon ng pulisya sa kuha ng CCTV sa naturang lugar ay hirap umano nilang tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nakasuot aniya ng helmet ang drayber ng getaway vehicle habang ang angkas nito na gunman ay naka-sumbrero at may takip sa mukha.

Wala rin plaka ang ginamit na motorsiklo.

Blangko rin sa ngayon ang kapulisan kung ano ang motibo sa pamamaslang sa naturang negosyante.

Facebook Comments