Umapila ng reconciliation kay Pasig City Mayor Vico Sotto ang nakasagutan nitong negosyante kamakailan kaugnay sa nangyaring iligal umano na demolisyon sa loob ng compound ng kumpanya nito sa Barangay Bambang, Pasig City.
Ayon kay Filipino-Chinese Businessman Engr. Selwyn Lao, kaniyang hinihiling kay Mayor Sotto na bigyan siya ng pagkakataon na makausap sila ng masinsinan upang linawin ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa isyung demolisyon.
Paliwanag ni Lao, sobra nang naapektuhan ang kaniyang mga pamilyadong tauhan sa nangyari at ang problema sa loob ng compound ng kaniyang kumpanya.
Nais na linawin ni Engr. Lao na ang sinasabing naganap na iligal na demolisyon ay kaniyang pinagibang barong-barong na itinayo ng kaniyang mga tauhan bilang barracks sa loob ng compound ng kaniyang kumpanya, na kalaunan din ay ginawang drug den o pot session ng mga adik.
Dagdag pa ni Engr. Lao na bukod dito, isa rin sa ikinalugi ng kaniyang negosyo at papalit-palit ng guardya ay ang ginagawang pananakot at nangyaring talamak na nakawan sa kumpanya nito.
Giit ni Lao, nais niya ng katahimikan kaya’t handa aniya siyang kalimutan ang mga isyu at handa rin siyang magkaloob ng tulong pinansyal kung ito ang nais ni Mayor Sotto na tulungan ang mga taong sinasabing ginipit nito.