Negosyanteng sangkot sa Pharmally controversy, hindi muna aarestuhin ng Senado dahil naka-confine sa ospital

Pinagpaliban ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon ng sampung araw ang pag-aresto sa negosyanteng si Rose Nono Lin na sangkot sa kontrobersya kaugnay sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.

Ang hakbang ng komite ay bilang pagpapaunlak sa hiling ng kampo ni Lin na huwag muna itong arestuhin dahil naka-confine sa ospital at nakatakdang sumailalim sa operasyon.

Sabi ni Gordon, ang hindi muna pag-aresto kay Lin ay bilang humanitarian consideration kaakibat ang paglilinaw na hindi pa rin sya exempted sa imbestigasyon ng Senado ukol sa umano’y iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.


Pinapa-aresto si Lin ng Senado dahil sa dalawang beses na hindi pagsipot sa pagdinig.

Si Lin ay misis ng Chinese National na si Lin Weixiong na financial officer ng Pharmally bukod sa kaibigan din ito at business partner ni dating presidential adviser Michael Yang.

Facebook Comments