Negosyanteng si Michael Yang, pinagpapaliwanag sa hindi pagsipot sa pagdinig ngayon ng Kamara ukol sa nasabat na iligal na droga sa Pampanga

Mag-iisyu ng show cause order ang House Committee on Dangerous Drugs kay dating Presidential Economic Adviser at negosyanteng si Michael Yang.

Sinabi ito ng chairman ng komite na si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers makaraang hindi siputin ni Yang ang nagpapatuloy na pagdinig ngayon ukol sa P3.6 billion na iligal na drogang nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong 2023.

Tanging abogado lamang ni Yang na si Atty. Raymond Fortun ang dumating sa pagdinig ngayon at kanyang ipinaliwanag na umalis ang kanyang kliyente noong May 12 patungo sa Dubai.


Nangako si Fortun na magbibigay ng paliwanag si Yang sa komite kabilang ang detalye ng kanyang mga biyahe o paglabas-pasok sa bansa mula 2023.

Kaugnay nito ay nag-request si Fortun na magkaroon sana ng Mandarin interpreter kung haharap si Yang sa hearing.

Si Yang ay pinapadalo sa hearing makaraang lumabas na ang dating interpreter ni Yang na si Lincoln Ong ay incorporator ng Empire 999 na siyang nagmamay-ari ng warehouse kung saan nasamsam ang shabu sa Pampanga.

Facebook Comments