Naungkat nitong Huwebes, November 4 sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa 2020 COA report sa Department of Health ang mga mamahaling sasakyang nakapangalan sa Pharmally Biological executive na si Rose Nono-Lin, na naiuugnay sa mga kuwestiyonableng transaksiyon sa gobyerno noong nakaraang taon.
Ayon kay Lin, sadyang mahilig ang asawa niyang bumili ng mga sasakyan, lalo na’t sapat na ang naipundar nila mula sa mga negosyo nilang lumago nang husto bago pa man ang pandemya.
Aniya, kung siya mismo ang tatanungin, hindi siya mahilig sa sasakyan kung saan sapat na sa kaniya basta’t may magamit nang maayos papasok sa opisina. Dagdag pa niya, natural na sa pagitan ng kaniyang asawa at mga kaibigang negosyante ang pagkahilig sa mga sasakyan kaya’t may mga pagkakataong nagkakaroon sila ng mga bagong kotse na ipinapangalan sa kaniya.
Napabilib naman ni Lin ang chairman ng komite na si Senator Richard Gordon dahil sa positibo niyang pananaw at diretsong pagsagot. Sa ilang mga panayam, madalas sabihin ni Lin, na kumakandidato sa pagka-kongresista sa ika-5 distrito ng Quezon City na hinding-hindi nito sisirain ang pangalang matagal na iningatan.
Aniya, pinalaki siyang may prinsipyo at hindi magbibitaw ng salitang hindi kayang panindigan at harapin ang lahat ng mga akusasiyong iniuugnay sa kanyang pangalan. Nangako naman si Lin na makikipagtulungan sa mga kinauukulan para matunton ang mga taong tunay na sangkot sa nasabing isyu.