Naghain ng pangalawang cyber libel complaint ang negosyanteng si Wilfredo Keng laban kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa, ilang araw bago ilabas ang conviction para sa unang cyber libel case.
Batay sa complaint na inihain sa Makati City Prosecutor’s Office nitong Pebrero, inirereklamo ni Keng ang nai-post na tweet ni Ressa noong February 15, 2019.
Ito ay screenshot ng isang artikulo ng Philippine Star noong 2002 kung saan idinadawit si Keng sa pagpaslang sa isang konsehal.
Agad na binura ang artikulo matapos magbanta ang kampo ni Keng na gagawa ng legal na hakbang kasunod ng pagkaka-aresto kay Ressa noong February 13, 2019.
Sinabi ni Keng na pinayuhan siya ng kanyang mga abogado na ang tweet ni Ressa ay maituturing na different publication at maaaring panagutin ang mamamahayag para sa hiwalay na kaso.
Inaakusahan ni Keng si Ressa sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon kahit lumalabas sa 2016 certification ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na wala siyang derogatory record.
Iginiit din ni Keng na ang mga artikulong inilathala ng Philippine Star at Rappler ay sinira ang kanyang reputasyon.
Nabatid na sinentensyahan ng Manila Court si Ressa at kapwa akusadong si Reynaldo Santos Jr. ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong at pinagbabayad sila ng pinsalang nagkakahalaga ng ₱400,000.
Sa ngayon, pagdedesisyunan pa ng kampo ni Ressa kung hihilingin sa korte na irekonsidera ang ruling o maghahain ng apela sa mas mataas na korte.