Negosyo, agrikultura, pag-aaral ng mga estudyante, apektado na ng krisis sa kuryente sa Occidental Mindoro

Apektado na ng nararanasang krisis sa kuryente ang mga negosyo, pananim, pag-aaral ng mga estudyante at kalusugan ng mga residente sa Occidental Mindoro.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Baltazar Gadiano na isa’t kalahating buwan na, na apat na oras lang kada araw sila may suplay ng kuryente.

Dahil dito, nagbanta na ang ilang negosyo sa lalawigan na magsasara lalo na ang mga fast-food chain.


Lumaki kasi ang gastos nila dahil sa Batangas pa sila umaangkat ng yelo na ginagamit para hindi mabulok ang kanilang mga tinda.

Samantala, nagko-collapse naman ang mga estudyante sa loob ng paaralan dahil sa sobrang init.

Nahihirapan na rin aniya ang mga ospital dahil generator lang ang kanilang ginagamit.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang gobernador kay Pangulong Bongbong Marcos na makialam na sa problema na aniya’y malaking parusa sa kanila.

Una nang isinailalim sa state of calamity ang buong Occidental Mindoro dahil sa nararanasang power crisis.

Facebook Comments