Saturday, February 28, 2026

Negros MSMEs pinalakas ng suporta mula sa LANDBANK

Mahigit 500 micro, small and medium enterprises o MSMEs mula sa iba’t ibang panig ng Negros Occidental ang nakinabang sa kauna-unahang regional rollout ng LIFTING MSMEs Lending Program ng LANDBANK sa PADAYON MSME Fair noong ika-20 ng Pebrero 2026 sa Ayala Malls Capitol Central, Bacolod City, para palawakin at paunlarin ang kanilang mga negosyo.

Pinangunahan ang PADAYON MSME Fair nina LANDBANK President and CEO Lynette V. Ortiz at TESDA Secretary Kiko Benitez, na nakisama sa mga MSMEs sa Bacolod upang bigyang-diin ang kahalagahan ng madaling access sa credit at technical training sa pagpapaigting ng lokal na pagbangon ng ekonomiya.

Sa naturang Fair, direktang nakinabang ang mga negosyante sa financing, digital banking solutions, at agarang konsultasyon kasama ang mga opisyal at kawani ng LANDBANK — na nagbigay-daan upang makapagsimula ng loan applications at makapagbukas ng business accounts ang mga MSMEs.

Kasunod ng positibong momentum na nalikha ng Fair, binigyang-diin ni Secretary Benitez na simula pa lamang ang ganitong mga inisyatiba sa mas malawak at tuluy-tuloy na pagsisikap upang maiangat ang mga negosyante.

“With LANDBANK’s support, we will continue to doeverything we can to capacitate MSMEs and make it easier and more efficient for them to access services, grow their businesses, and sustain their operations. Our goal is to help communities progress and move forward together,” ani Secretary Benitez.

Inilunsad sa buong bansa noong Disyembre 2025 ang LIFTING MSMEs (LANDBANK’s Innovative Financing Thrust Towards Inclusive National Growth thru Micro, Small, and Medium Enterprises) Lending Program na may layuning palawakin ang access sa credit para sa working capital, pagbili ng kagamitan, at pagpapalago ng negosyo—upang mas mapaunlad ang productivity at competitiveness ng MSMEs sa buong bansa.

Kaakibat ng nasabing lending program ang SULONG MSME Solution Suite — isang bundled deposit at digital banking services na sumusuporta sa mga negosyo hindi lamang sa credit access kundi pati sa mas maayos at pormal na operasyon.

Binigyang-diin ni LANDBANK President and CEO Lynette V. Ortiz na mahalaga ang MSMEs sa ating ekonomiya at sa mga komunidad. Aniya, kapag lumalago ang maliliit na negosyo, mas maraming tao ang nakikinabang. At kapag nagtatagumpay ang MSMEs, mas maraming pamilyang Pilipino ang umaangat at nagkakaroon ng mas magandang kinabukasan.

Sa pamamagitan ng Solution Suite, mas napapadali ang pagbubukas ng account, pamamahala ng koleksyon at bayad sa suppliers, online payroll, at pag-remit ng kontribusyon sa BIR, SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth. Maaari rin tumanggap ang mga MSMEs ng customer payments sa pamamagitan ng LANDBANK, na nakatutulong sa mas maayos na daloy ng pera at operasyon.

Bukod dito, puwede nang magbukas ng account ang mga sole proprietors gamit ang LANDBANK Mobile Banking App (MBA), habang ang partnerships at corporations naman ay puwedeng mag-enroll sa mga sangay ng LANDBANK. Sa ilalim ng LIFTING MSMEs Lending Program, makakatanggap din ang kwalipikadong sole proprietors ng isang taong libreng life at accident insurance bilang dagdag na proteksyon sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

Ibinahagi naman ni Ma. Armela Batalla, may-ari ng BCM Food Products at isang OFW na naging negosyante noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya, na itinayo niya ang kanyang negosyo sa paggawa ng lumpiang bangus gamit ang lokal na bangus. Matapos dumalo sa PADAYON MSME Fair, inilahad niya ang kanyang mas lumawak na pananaw sa suporta ng pamahalaan para sa mga negosyanteng tulad niya: “Bilang isang MSME, hindi ko akalain na may maitutulong pala ang pamahalaan sa amin. Dati kasi, ang akala namin, maliit lang ang tingin sa mga MSMEs bilang small business. Ngayon, nakikita ko ang LANDBANK bilang katuwang ko sa pagpapalago ng aking negosyo sa susunod na tatlong taon.”

Sa pamamagitan ng mga programang kagaya ng Padayon MSME Fair, patuloy na pinapalalim ng LANDBANK ang suporta sa MSMEs sa bansa. Pinalalakas nito ang kakayahan ng mga negosyante na lumago, makipagsabayan sa merkado, at lumikha ng mas maraming trabaho sa kanilang komunidad.

TUNGKOL SA LANDBANK

Ang LANDBANK ang pinakamalaking development financial institution sa bansa na nagsusulong ng financial inclusion, digital transformation, at pangmatagalang pambansang kaunlaran. Ito ay may mga sangay sa lahat ng 82 lalawigan sa bansa, upang tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino para sa serbisyong pinansyal—mula sa kanayunan hanggang sa iba’t ibang sektor ng Pilipinas.

Facebook Comments