Negros Occidental at Zamboanga del Sur, patuloy na nakakaranas ng kakulangan sa tubig, water rationing scheme, ipinatutupad

 

Dahil sa nararanasang El Niño, patuloy na nakakaranas ng kakapusan ng tubig ang ilang mga lalawigan sa bansa.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Managament Council (NDRRMC) pangunahing nakakaranas ng water shortage sa ngayon ang ilang munisipalidad ng Negros Occidental at Zamboanga del Sur.

Partikular dito ang Cabadiangan, Nabalian, Carabalan, Su-ay, To-oy at Buenavista sa Himamaylan, Negros Occidental gayundin ang Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.


Ayon pa sa NDRRMC karamihan sa mga bayang ito ay nakakaranas ng kakulangan sa inuming tubig maging sa irigasyon simula pa nuong Dec. 2023 o bago manalasa ang tagtuyot.

Habang ang Zamboanga City Water District ay nagpapatupad na ng pagrarasyon ng tubig sa kanilang mga customer dahil sa ipinatutupad na water interruption.

Kasunod nito, patuloy ang paalala ng NDRRMC sa publiko na magtipid ng tubig dahil inaasahang tatagal pa hanggang sa susunod na taon ang El Niño sa bansa.

Facebook Comments