Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., na bumalik na sa bansa.
Ito ay para harapin ang kasong may kinalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa ambush interview sa pangulo sa ika-126 founding anniversary ng Philippine Army sinabi niyang tanging si House Speaker Martin Romualdez ang nakakausap ni Congressman Teves at ang sinasabi nga nito ay may banta sa kanyang buhay kaya ayaw niyang umuwi sa Pilipinas.
Ayon sa pangulo, batay sa monitoring ng intelligence unit ng pamahalaan ay walang threat o banta sa buhay ang kongresista.
Magkagayunpaman ay inalok nila si Teves na magbibigay ang pamahalaan ng mga nararapat na seguridad para lamang matiyak ang kaligtasan nito pagdating sa Pilipinas.
Sinabi pa ng pangulo na mas maiging umuwi na sa Pilipinas si Teves dahil habang tumatagal siya sa ibang bansa ay wala nang magagawa ang gobyerno kundi kumilos na laban sa kanya.
Sa pagkakataong iyon aniya ay mawawalan na siya ng opsyon dahil hindi na makikipag-usap sa kanya ang gobyerno.
Samantala, pinabulaanan naman ng pangulo ang pahayag ni Congressman Teves na ang puno’t dulo ng paghahanap sa kanya ay dahil sa e-sabong.
Direktang sinabi ng pangulo na ang pagpatay kay Degamo ang pinakadahilan nito.