Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves, pini-personal umano ni DILG Sec. Benhur Abalos

Tahasang sinabi ni Negros Oriental District Representative Arnolfo Teves na pini-personal siya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos matapos niyang tawaging shortcut na proseso ang panawagang courtesy resignation sa mga heneral at koronel dahil paglabag aniya ito sa due process.

Sa isang press conference, sinabi ni Teves na nakakuha siya ng inpormasyon na ipinag-utos ni Abalos na i-raid ang kanyang bahay at tanimam ng ebidensya kung walang makikita.

Isa sa nakikitang dahilan ni Teves sa panggigipit sa kaniya ay ang patuloy umanong pagkabigo ni Abalos na makakuha ng ebidensya dahil inaaakusahan umano siya na sangkot pa rin sa online sabong.


Panawagan ni Teves kay Abalos, tantanan na siya at huwag galawin ang kanyang bahay at lalong-lalo na ang kanyang pamilya na natatakot na sa kanilang seguridad.

Binigyan diin din ng mambabatas na hindi niya pinuprotektahan ang mga heneral sa kanyang pagkwestyon sa courtesy resignation.

Sa tanong naman kung dapat na bang mag-resign si Abalos bilang DILG Secretary, iginiit ni Teves na dapat mag-resign ang hindi sumusunod sa due process.

Panawagan ni Teves kay Abalos, lumaban ng patas at walang gamitan ng kapangyarihan ng gobyerno.

Sa ngayon wala pang tugon si Abalos.

Facebook Comments