Plano ng Department of Justice (DOJ) na ilagay sa international lookout bulletin ang mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kabilang na si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na gumagawa na sila ng mga konkretong hakbang upang hindi makatakas ang mga suspek sa pagpatay kay Degamo kabilang na ang paglalabas ng international lookout bulletin.
Kabilang na rin ang paglista sa mga suspek sa blue notice list ng Interpol na makakatulong sa pagmomonitor sa kanilang aktibidad at galaw ng mga ito sakaling nasa abroad sila o umalis ng Pilipinas.
Ayon din kay Clavano, ikinokonsidera pa rin ng DOJ si Teves na isa sa umano’y itinuturong nasa likod ng pagpaslang sa gobernador.
Pero, iginiit ni Clavano na kanilang ginagawa ang lahat ng paraan upang hindi na kailangan pang humantong sa deportation si Teves.
Una nang sinabi ng DOJ na ikokonsiderang pagtakas ang biyahe sa abroad ni Teves kung hindi pa ito babalik ng bansa.
Samantala, hihilingin na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng blue notice laban sa mga suspek sa Degamo slay case.