Mahaharap sa kasong kriminal ang isang netizen na nagpost umano ng kaniyang Meralco bill na umabot sa P1.7 million.
Sa imbestigasyong isinagawa ng Meralco, lumabas na ang nasabing bill ay pagmamay-ari ng SM Development Corporation at isa itong corporate account na may mahigit 1,000 service units.
Gamit ang pribadong Facebook account, ipinost ng isang nagngangalang Joven Salarda ang pinag-uusapang electric bill at sinabing nakakabit lamang ang kuryente sa isang five-storey house.
Umani ng mahigit 20,000 shares sa social media ang malisyosong post ni Salarda na nagdulot ng matinding pambabatikos sa kompanya.
Deactivated na ngayon ang account ng lalaki pero maraming netizen ang nakapag-screenshot nito.
Dahil dito, sasampahan ng reklamo ng Meralco si Salarda sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation dahil sa paglabag sa Cybercrime Law.
Samantala, ipinaliwanag naman ng kompanya ang biglang pagtaas ng kuryente na ikinagulat ng mga konsumer.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, ang konsumo ngayong Mayo ay nakabase sa “full ECQ impact”, habang ang billing noong Marso at Abril ay ibinatay lamang sa “average consumption”.