Humakot ng positibong tugon mula sa mga netizen ang pinakahuling presidential interview kay Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson dahil sa matalino niyang pagsagot sa mga mapaghamong tanong at pagtalakay sa mga programa na kanyang ipatutupad kung siya ang magiging susunod na pangulo.
Pinangunahan ito ng broadcast journalist na si Lakay Deo Macalma ang “Bakit Ikaw? DZRH Job Interview” kasama ng mga radio anchor na sina Gerry Baja at Angelo Palmones, gayundin ng propesor at columnist ng Manila Times na si Antonio Contreras na nagsilbing mga panel ng panayam para sa mga presidential candidate.
Sa unang round ng panayam kay Lacson na napanood nang live sa Facebook at YouTube channel ng DZRH, tinanong ng mga panel ang kanyang mga plataporma at sinuri ang abilidad niya para agad na tugunan ang mga kathang-isip na krisis na maaaring kaharapin ng isang mataas na opisyal ng bansa, at pinakahuli ay paglalahad naman ng kanyang aktuwal na karanasan bilang lider.
Pinanindigan ng standard-bearer ng Partido Reporma ang kanyang prinsipyo na leadership by example at paggawa ng desisyon na nakaangkla sa isinasaad ng batas at siyensya o datos mula sa mga pag-aaral.
Pinakahinangaan ng netizens ang mga naging tugon ni Lacson sa Round 2 ng panayam na tungkol sa Strategic Crisis Scenario, kung saan inilahad niya ang maaaring gawin sa mga kasong inilatag ng mga panelista.
Obserbasyon ng mga netizen, napanatili ni Lacson ang kanyang mga plataporma dahil nanindigan siyang hindi mangyayari ang mga kathang-isip na sitwasyon tulad ng political crisis dahil sa pork barrel, problema sa kalamidad, korapsyon, ekonomiya, at mga vigilante group.
“Ang husay sumagot ni Sen. Ping!” sabi ni Loren Pacio.
“Sen. Ping Lacson is very knowledgeable and a good leader. Very good answers, sir!” ayon naman kay Neson Vargas.
“Ang husay sumagot ni Sen. Ping Lacson hindi sya na-ra-rattle. Kudos to you sir,” komento ni Susan Quintos kasunod ng pagsasabing si Lacson ang lider na may paninindigan at kakayahang pamunuan ang bansa.
Ayon pa sa netizen na si Paul Nimeno, nalalampasan ni Lacson ang mga nagtatanong na panel dahil sa matalino niyang mga pagtugon sa mga kathang-isip na sitwasyon, na hindi na matutuloy dahil nakapaloob na ito sa kanyang mga plataporma.
Ito rin ang obserbasyon ni Ed Viloria. Aniya, “Napaka-consistent [ng] mga programa niya sa anti corruption mula umpisa hindi nagbabago ang istratehiya, matalas at direkta ang plataporma sana tumaas naman survey niya.”
“Sa tuwing naririnig ko si Sen. Lacson na nagpapaliwanag at sumasagot sa mga interview, ikinagagalak ko ang aking pagiging Pilipino. May sagot na ang Pilipinas kay Sen. Lacson. God bless us,” ani naman ni Larlen Carpio Reyes.
Paliwanag ni Lacson, “Unang-una, ang aking anti-corruption efforts will never be driven by vigilantism, hindi pwede. At ‘yung scenario palagay ko hindi mangyayari sa aking administration kasi may mapatay lang na isang importanteng tao tiyak na mahuhuli ko ‘yung suspek niyan at mapaparusahan. So, ma-pre-preempt na ‘yung mga susunod na sinasabi mo. Hindi hahantong sa ganoon.”
Dagdag niya mangingibabaw ang batas at aatasan niya ang mga law enforcement agency tulad ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation upang maproteksyonan ang taumbayan at mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng karahasan.