Tiwala si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang mahusay na pagpapatupad sa New Agrarian Emancipation Act ay magpapataas sa produksyon ng bigas sa bansa.
Sa ilalim ng bagong batas ay makakalaya na sa pagkakautang ng mahigit 600,000 agrarian reform beneficiaries sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Diin ni Romualdez, unang hakbang ito para matulungan ang mga magsasaka na maging produktibo, para maiangat ang kanilang buhay sa kahirapan at maparami ang produksyon ng bigas sa bansa.
Kaugnay nito ay nananawagan si Speaker Romualdez sa mga ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Authority (NIA) ng tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka.
Giit pa ni Romualdez, dapat ding bantayan ng mga ahensya ang mga magsasaka upang malaman ang kanilang kalagayan.
Pinapatiyak din ni Romualdez sa mga kinauukulang ahensya na maipatutupad ng maayos ang batas para masigurado na ito ay magtatagumpay.