Isinasapinal na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga patakaran na ipatutupad para sa pangangampanya ng mga kakandidato sa 2022 elections sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Comelec Dir. Elaiza David kasunod na rin ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na makapangampanya, dahil bahagi ito ng eleksyon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni David na mabusisi ang ginagawa nilang pag-aaral sa lalamanin ng new normal guidelines.
Lilimitahan aniya ang in person campaigning, lalo’t hindi talaga ito maiiwasan ngunit hindi na ito kagaya ng pangangampaniya noong mga nakalipas na taon.
Kailangan ding ma-maximize ng mga kandidato ang iba pang mga paraan sa pangangampaniya.
Ayon kay David, inaasahan na mailalabas na rin ng COMELEC ang binuong guidelines para sa paggamit ng social media sa pangangampanya.