‘New Normal’ process, ipapatupad ng MIAA sa NAIA terminals

Magpapatupad ng New Normal Procedure ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Ninoy Aquino International Airports (NAIA) terminals bilang paghahanda sa pagtatapos ng extension ng ECQ dulot ng COVID-19.

Ipinag-utos din ni MIAA General Manager Ed Monreal sa airline companies na maglagay ng acrylic barriers na maghihiwalay sa mga pasahero sa bawat check-in counter upang maipatupad ang social distancing.

Layon nito na maprotektahan ang kapakanan at kalusugan ng mga airline staff at maging ng mga pasahero sa paliparan.


Inihahanda na rin ang boarding gates para matiyak na magkakalayo ang mga upuan sa bagong protocols at patuloy na maipatupad ang social distancing sa mga pasahero.

Idinagdag pa ni Monreal na kailangang markahan ang sahig kung saan nakatayo ang pasahero habang siya ay nakapila sa mga check-in counter ng airlines at oobligahin ang mga pasahero na magsuot ng face mask habang nasa loob ng paliparan.

Inatasan din ni Monreal ang lahat ng mga operator sa NAIA terminals, na tiyakin na mabibigyan ng proteksyon ang kanilang mga ground handling security guards at utility workers tulad ng pagpapasuot  ng facemask habang sila ay naka-duty.

Facebook Comments