Pormal nang umupo ngayong hapon bilang ika-24 na Philippine National Police (PNP) Chief si General Camilo Cascolan matapos ang pagreretiro din ngayong araw ni General Archie Gamboa.
Sa isinagawang Change of Command Ceremony sa Camp Crame, sinabi ng bagong PNP Chief na may apat na mahahalagang bagay siyang ipatutupad sa PNP.
Ilan sa mga ito ay ang pagpapatupad ng Master Development Plan para sa lahat ng kampo ng PNP upang mas maayos ang pagbibigay ng serbisyo, maging ang pagkakaroon ng maayos na training facilities, maayos na quarters at healthcare and wellness facilities ng mga pulis.
Tututukan niya rin ang mas magandang performance ng mga pulis sa pagresolba ng krimen, mapa-angat ang crime solution, mapaganda at mapabilis ang mga crime investigation.
Sisiguruhin niya rin na may kalidad at isasailalim sa mahigpit na proseso ang mga bagong mare-recruit na pulis.
Sinabi pa ni Cascolan na gusto niyang tutukan sa PNP ang human resource development dahil nais niya raw na bawat pulis ay alam dapat ang kanilang trabaho.
Kailangan aniyang mas disiplinado, magalang, malinis, may integridad at propesyonal.