New Senate Building, magbibigay ng dagdag na kita para sa Senado

Ipinagmalaki ni Senator Migz Zubiri na mag-ge-generate ng kita para sa Senado ang itatayong New Senate Building (NSB) sa Taguig City.

Ayon kay Zubiri, magdadala ng dagdag na kita para sa Senado ang NSB dahil ang ilang bahagi ng gusali roon ay maaaring iparenta sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Inihalimbawa ng senador ang Commission on Appointments na direkta nang magbabayad ng renta sa Senado kapag nakalipat na sa bagong gusali at hindi na mapupunta sa Philippine National Bank ang ibinabayad na upa tulad ngayon.


Bukod dito, bilyon-bilyong piso ang matitipid ng Mataas na Kapulungan dahil hindi na magbabayad ng renta sa GSIS.

Aniya, ang kada taon na upa sa GSIS sa gusaling nirerentahan ng Senado ay aabot ng P500 million at kung aabot ng limang taon nasa P5 billion ang agad na matitipid ng Mataas na Kapulungan at P10 billion naman kung abutin ng 10 taon.

Dagdag pa ni Zubiri, ang halos P9 billion na tinutukoy ay phase 1 pa lang ng NSB kung saan structural o ang shell na pinakalabas ng building pa lang ito.

Sa phase 2 aniya ang pagkumpleto ng lahat ng mga structural works hanggang sa loob habang ang phase 3 ay tumutukoy naman sa paglalagay ng mga kagamitan tulad ng aircons, ilaw, at iba pang mga gamit na kailangan.

Facebook Comments