NEWS UPDATE: Manhunt Operation ng PNP Lal-lo, Cagayan sa 2 Suspek na Namaril sa Mag-asawa at Maglive-in Partner, Patuloy pa rin!

*LAL-LO, CAGAYAN-* Patuloy pa ang isinasagawang manhunt operation ng PNP Lal-lo laban sa dalawang kalalakihang suspek na namaril at nakapatay kahapon  ng apat na katao sa isang videoke bar sa brgy Magapit, Lal-lo, Cagayan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Superintendent Warren Tolito, Provincial Director ng PNP Cagayan, nag-ugat ang pamamaril dahil sa pagtanggi ng isang waitress ng nasabing videoke bar na gusto itong ipasok ng mga suspek sa hotel.

Dahil sa pagtanggi ng waitress ay kinausap umano ng mga suspek ang mga biktima at may-ari ng bar na sina Princess Angelica Escalante Javier at asawa nitong si Eugene Javier hanggang sa nagkaroon ng alitan na nagresulta sa pamamaril sa mag-asawa.


Nadawit rin aniya sa pamamaril ang maglive-in partner na sina Ramsey Javier at Michaela Javier na kasama rin sa pagbabantay sa bar at pawang mga residente ng brgy Magapit, Lal-lo, Cagayan.

Ayon pa kay PSSUPT Tolito, Nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo ang mga biktima na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.

Sa ngayon ay puspusan ang pagtugis ng kapulisan laban sa dalawang salarin na umano’y mga nasa edad bente pataas na may sakay na motorsiklo.

Kaugnay nito ay hiniling ni PSSUPT Tolito ang kooperasyon ng mga residente ng Lal-lo para sa agarang pagkaresolba ng naturang kaso.

Facebook Comments