News Update: Narekober na Bangkay ng Lalaki na may mga tama ng bala ng baril, Isa Umanong Manggagantso?

*San Mariano, Isabela- *Inihayag ni Police Chief Inspector Fedimer Quitives, hepe ng PNP San Mariano, Isabela na isa umanong magnanakaw at marami umanong nasaktan at nautangan ang narekober na bangkay ng isang lalaki na may mga tama ng bala ng baril kamakailan sa Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.

Ito ay batay aniya sa kanilang mga natanggap na impormasyon mula sa mga residente ng nasabing lugar base sa kanilang isinagawang pagsisiyasat.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay PCI Quitives, maaari umano na pinagbabaril sa ibang lugar ang biktima na si Eddie Baraquio Bulan na residente ng Brgy. Gangalan at dinala lamang sa lansangan ng nasabing barangay at nag-iwan ang suspek o mga suspek ng mga bala ng caliber 45.


Lumalabas pa sa kanilang imbestigasyon na walang gaanong dugo ang nakita mula sa kinalalagyan ng biktima maging ang mga posisyon ng mga narekober na bala ay hindi rin anya tugma sa mga tama ng baril na tinamo ng biktima at wala din umanong narinig na putok ng baril ang mga residente na malapit sa lugar.

Ayon naman sa ibinahaging impormasyon ng mga kaanak ng biktima sa PNP, pinasyalan at inimbita ng mga kalalakihan si Bulan noong Dec. 14, 2018 ng umaga hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay nito noong December 18 ng umaga.

Patuloy pa rin sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ang PNP San Mariano hinggil sa naturang insidente at tinitignan na ring gabay ang kanilang mga natanggap na report mula sa mga residente.

Samantala, napag-alaman din ng PNP na mayroon pang nakapending na kasong carnapping ang biktima sa kanilang himpilan subalit hindi pa lumalabas ang kanyang Warrant of Arrest.

Facebook Comments