News Update: Pagpatay sa isang Kusinero, Mayroon nang Nakikitang Motibo!

*San Mateo, Isabela- *Pagnanakaw ang isa sa tinitignang motibo sa pagpatay sa isang kusinero na natagpuang duguan at wala nang buhay sa ikalawang palapag sa mismong pinagta-trabahuang kainan sa Brgy. Dagupan, San Mateo, Isabela.

Matatandaan na pasado alas syete ng umaga kahapon, Enero 23, 2019 partikular sa Bayani’s Bulaluhan ay nakita ng isang motorista na nakahandusay ang biktima sa ibabaw ng yero ng nasabing bulaluhan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO1 Fernando Cristobal Jr, imbestigador ng PNP San Mateo, base sa CCTV footage na kuha sa lugar ay nakita ang biktima na si Darwin Ramos, 38 anyos, restaurant cook, residente ng Brgy. Mapuroc, San Mateo, Isabela na pumasok ito sa kainan na may talukbong sa ulo at may kakaibang ikinikilos.


Ayon kay SPO2 Cristobal Jr., wala umanong narinig na putok ng baril ang tatlong naiwang trabahador ng naturang kainan noong gabi bago makita ang bangkay ng biktima.

Napag-alaman na gumamit ng Cal. 45 na baril ang suspek kung saan nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa likuran ang biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP San Mateo para sa pagkakakinlanlan ng suspek at malutas ang naturang insidente.

Samantala, hustisya naman ang hiling ng pamilya ng napatay na kusinero.

Facebook Comments