Bukas ang National Food Authority (NFA) na taasan ang buffer stock nito bilang paghahanda sa epekto ng El Niño phenomenon na posibleng magtagal hanggang sa ikalawang semestre ng 2019.
Tugon ito ng ahensya sa mungkahi ng mga economic managers na paghandaan ang epekto ng climate change sa kasiguraduhan sa suplay ng pagkain.
Target ng NFA na itaas sa 30 days ang buffer stock mula sa kasalukuyan na 30 days.
Gayunman, ayon sa ahensya, ito ay mangangailangan ng karagdagang pondo.
Sa isang kalatas, sinabi ng ahensya na kukulangin kasi ang kasalukuyang P7 billion na budget na nakalaan sa palay procurement.
Sa ilalim ng rice trade liberalization law, ang NFA ay may special account na maaring hugutin sa sandaling may pangangailangan na dagdagan ang buffer stock.
Sa ngayon, nasa labing siyam na probinsiya ang apektado ng El Niño phenomenon na posibleng magtagal ng hanggang Hunyo.