Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Amiel Pangan, Warehouse Supervisor ng NFA Cauayan City, ngayong buwan pa lamang ng Pebrero ay mayroon na silang nabili na mahigit 1,000 sako ng bagong aning palay at inaasahang madadagdagan sa Summer season.
Nananatili pa rin sa 19 pesos ang presyo ng NFA sa kada kilo ng Clean and Dry na palay habang ang sariwa naman ay dipende sa moisture content pero nasa 14 pesos ang pinakamababang presyo ng NFA sa wet o basang palay.
Ayon pa kay Pangan, nasa 25,000 sacks ng palay ang target na bibilhin ng NFA Cauayan ganundin din ang NFA Luna pero pwede pa ring madagdagan ang kanilang target kung magdagsaan na ang mga magbebenta ng palay.
Paalala lamang nito sa mga gustong magbenta ng palay sa NFA na kailangang may maipakitang farmers passbook at kung wala namang passbook ay kailangang kumuha ng farmers information sheet na pirmado ng barangay Kapitan, MAO o ng NFA technician para matiyak na legit farmer ang magbebenta sa NFA.
Samantala, ibinahagi rin ni Amiel Pangan na mas marami na ngayon ang nagbebenta ng kanilang aning palay sa ibang private buying station dahil na rin sa mas mataas na presyo na kung saan ay pumapatak na ngayon sa bente hanggang 21 pesos ang isang kilo ng dry na palay habang ang sariwa naman ay naglalaro sa presyong 16 pesos hanggang 17 pesos.
Pero, posible pa rin umanong bumaba ang Presyo ng mga private traders kung magtutuloy-tuloy ang nararanasang pag-ulan kung kayay’ ipinagbibigay alam ng NFA sa mga farmers na bukas lamang ang kanilang buying station para matulungan ang mga magsasaka dito sa Lungsod ng Cauayan at Luna.