Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na tuloy-tuloy ang operasyon ng National Food Authority (NFA) kahit suspindido ang 12 NFA regional managers, 27 na branch managers, 99 na warehouse manager na idinadawit sa umano’y rice scam.
Ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, sa ngayon, mayroong 1,054 na mga tauhan ang NFA Central Office at sa mga field offices.
Titiyakin din aniya ng mga susunod sa ranggong mga tauhan sa mga field offices na tuloy na magiging bukas ang mga bodega sa pamimili ng palay ngayong panahon ng anihan.
Una nang sinabi ni Kalihim Francisco Tiu Laurel Jr., na siya muna pansamantala ang mamumuno sa NFA.
Bukas, araw ng Miyerkules ay magpupulong ang NFA Council para magtalaga ng mga taong ipapalit sa mga suspindidong NFA officials at employees.
Ito ay upang matiyak na tuloy-tuloy na magiging operational ang mga bodega ng NFA sa buong bansa ngayong panahon ng anihan.
Inihayag din ni De Mesa na bukas ang DA sa plano ng Senado na imbestigahan ang nabunyag na rice scam.
Aniya, nakahanda ang ahensya, partikular ang NFA na makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon.