NFA, humihiling sa DBM ng agarang pagpapalabas ng P9-B na pondo para sa pagbili ng palay

Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa Department of Budget and Management (DBM) ng agarang ipalabas ang P9 bilyong pondo ngayong taon para sa palay procurement.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang P9 bilyon ay magpapataas ng kanilang pondo sa P11 bilyon upang makamit ang target na pagbili ng 6.4 milyon hanggang 8.7 milyong sako ng palay bago matapos ang taon.

Nagamit na kasi ng NFA ang natitirang budget na P8.7 bilyon mula 2023 para sa pagbili ng palay.


Sa unang kalahati ng taon, gumastos ang NFA ng P5.3 bilyon para sa 3.5 milyong sako ng palay.

Matatandaang na noong Hunyo, itinaas ng NFA Council ang ceiling price para sa pagbili ng palay sa P30 kada kilo mula sa P23 kada kilo habang ang floor price ay itinaas sa P17 mula sa P16 kada kilo.

Sa kasalukuyan, nakabili na ang NFA ng kabuuang 4 milyong sako ng palay hanggang Setyembre 25, 2024.

Facebook Comments