Humihirit ang National Food Authority (NFA) ng P16.3-B para sa pagbili ng palay sa 2025.
Ito’y upang makamit ang dami ng target volume para sa national buffer stock at sa dagdag na budget para sa pag-upgrade ng storage capacity nito.
Sinabi ni NFA acting Administrator Larry Lacson na bukod sa pagpopondo sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, kinakailangan nang bumuo ng karagdagang mga pasilidad sa pag-iimbak at pagsasaayos ng mga drying facilities upang mapabuti ang buffer stocking.
Sa kasalukuyan, ang NFA ay may kapasidad lamang na magtayo ng 31,000 metrikong tonelada, pero bumibili ng humigit-kumulang na 495,000 metrikong tonelada ng palay.
Ang iminungkahing budget ng DA para sa NFA sa 2025 ay nasa P24.85-B.
Ito ay 77 percent na pagtaas mula sa P14.03 bilyon ngayong taon.
Sa budget para sa taong ito, P9 bilyon ang inilaan para sa pagbili ng palay ng NFA na may assumed procurement price na P23 kada kilo.
Gayunman, nitong nakaraang buwan, nagpasya ang NFA Council na itaas ang maximum purchasing price sa 30 pesos bawat kilo upang makapag-kumpitensya ang NFA sa mga pribadong negosyante para sa lokal na suplay ng bigas.
Sa ilalim ng Rice Tariffation Law (RTL) ay nalimitahan ang NFA sa pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.
Inalis din ng RTL ang responsibilidad ng NFA na makialam sa merkado upang patatagin ang mga presyo, o mag-import ng bigas upang madagdagan ang buffer stock.
Nagpapatuloy ang debate sa Kongreso kung ibabalik ang kapangyarihan ng NFA na mag-import ng bigas o patatagin ang mga presyo sa merkado.