
Plano ng National Food Authority (NFA) na ilagay sa auction sa buwan ng Agosto ang mga rice stock upang mapaluwag ang mga bodega nito.
Nauna nang ipinahayag ng NFA na pansamantalang itinigil ang pamimili ng aning palay ng mga lokal na magsasaka dahil puno na ang mga bodega nito.
Sa harap na rin ito ng mga hinaing ng mga lokal na magsasaka sa Bulacan at Tarlac na binabarat na lang ng mga rice trader sa presyong P8 ang kanilang mga ani.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, inaprubahan na ng NFA Council ang guidelines para sa gagawing public sale.
Inatasan na rin ni Lacson ang mga tauhan nito na magsagawa ng assessment sa kalidad ng mga bigas na mahigit limang buwan nang nakaimbak sa mga bodega sa bawat rehiyon sa bansa.
Duda naman ang NFA chief kung mayroong mga “takers” o makikilahok sa public sale kung iaalok sa pinaka murang halaga ang lumang rice stocks
Ang NFA ay may 437,000 metric tons o katumbas ng 8.7 million 50-kilo bags ng rice stocks nitong kalagitnaan ng Hunyo.
Ito ay sapat upang mapakain ang mga Pilipino sa loob ng labindalawang araw.









