Tiniyak ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson na makabibili na ng humigit kumulang 7.2M na tig-50 kilo bags ng palay sa halagang P25 kada kilo.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacson matapos na i-release ang palay procurement budget na nagkakahalaga ng P9 billion.
Ayon kay Administrator Lacson, ang naturang volume ay naaayon aniya sa palay procurement target ng NFA para sa wet season na 6.4 million hanggang 8.7 million bags, upang makamit ang kanilang procurement goals.
Paliwanag ni Lacson, nakuha na ng NFA ang natitirang P9 billion budget para sa palay procurement ngayong taon kung saan ang nasabing pondo ay makatutulong sa gobyerno na suportahan ang rice farmers habang wet season, na karaniwang bumababa ang presyo ng palay dahil sa mas mataas na ani at limitadong drying facilities.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magkakaroon ng sapat na pondo ang NFA para suportahan ang rice farmers habang wet season na kritikal para sa kanilang kabuhayan sa mahirap na panahon na ito.
Matatandaan na kamakailan lang ay in-adjust ng NFA ang buying price range para sa palay at binabaan ito mula sa dating P25 hanggang P27 kada kilo.