Tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) na makikipagtulungan sila sa pagpapatupad ng rice liberalization law, lalo na ang mga probisyong may direktang kaugnayan sa ahensya.
Ayon kay NFA OIC Administrator Tomas R. Escarez – bago pa man nilagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas, nagsagawa na ang NFA ng self-executing provisions, kabilang na rito ang lahat ng regulatory functions sa international at domestic trading ng bigas.
Sa international rice trading, itinigil na ng NFA ang pagpo-proseso ng mga dokumento para sa rice importation at pag-iisyu ng rice import permits para sa private importers maging ang pagsasagawa ng bidding para sa government importation.
Sa domestic trading naman, inihinto na ng NFA ang licensing at registration ng grains businessmen, pag-monitor at inspeksyon sa mga negosyo at pasilidad ng bigas at pagpapatupad ng grains trading rules and regulations.
Sa ilalaim ng batas, minamandato pa rin ang NFA na panatilihin ang optimal level ng rice inventory sa bansa para sa emergency situations at disaster relief programs.