Hindi sang-ayon ang ilang senador sa naging panawagan ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na buwagin na lamang ang National Food Authority (NFA) sa paniniwalang mas gusto ng ahensya na mag angkat ng bigas sa halip na bilhin ang produksyon o ang aning palay ng mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Senator Chiz Escudero, sa halip na lusawin ang NFA ay mas dapat pa ngang palakasin ang naturang ahensya.
Para kay Escudero, makabubuting palakasin ang kapangyarihan at kapasidad ng NFA para magampanan ang tungkulin nito.
Dahil aniya sa napakaliit na budget ng NFA na aabot lang sa P8.5 billion ay paanong aasahan na makakabili ang ahensya ng sapat na palay sa mga lokal na magsasaka sa mataas na presyo at paano rin makabebenta sa consumer sa mababang halaga.
Dagdag pa ni Escudero, tila inaamin ng Administrasyon na walang ibang solusyon sa problema ng suplay ng bigas kundi ang importasyon sa halip na tulungan ang mga lokal na magsasaka para umangat ang food production ng bansa.
Samantala, bukas naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mungkahi ng SINAG na ipabuwag na ang NFA kung talagang lilitaw na hindi nagagampanan ng ahensya ang tungkuling iniatang sa kanila.
Giit ni Pimentel, maraming dapat na ipaliwanag ang NFA partikular na kung ang iniimbak na buffer stock na bigas ay pawang mga imported.