Nakahanda na umano ang halos 10,000 metric tons ng bigas para sa distribusyon sa mga bulnerableng sektor sa ilalim ng ‘Bigas 29’ Program ng pamahalaan.
Sa Quezon City journalist forum, aminado si National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson na halos 10,000 metric tons ng bigas lang ang kaya nilang ikasa sa unang implementasyon ng programa.
Ito ay sa kabila ng pagtantiya ng Department of Agriculture (DA) na mangangailangan ng 60,000 metric tons kada buwan para mapanatili ang pagbebenta ng murang bigas sa mga PWDs, buntis at iba pang bulnerableng sektor.
Ani Lacson, kada yugto o per phase ang implementasyon ng programa.
10 kilo per household ang ibibigay kada buwan sa ilalim ng Bigas 29.
Mabibili umano ang murang bigas sa mga piling Kadiwa stores sa buong bansa.
Aniya, sa initial pilot lang magsusuplay ang NFA sa programa habang ang DA na ang bahalang maghanap ng susunod na supply para sa bigas 29 program.
Titiyakin naman aniya ng NFA na maganda ang kalidad ng ipamamahaging bigas.
Ani Lacson, bagama’t aging rice ang ibebenta, gagawa sila ng paraan para magandang klase ang maibebenta sa mga benepisaryo ng programa.