NFA, nagbukas na rin ng palay buying station sa NCR, Cavite at Antipolo City

COURTESY: NATIONAL FOOD AUTHORITY FB

May mga kumbinyenteng lugar na ang mga magsasaka na malapit lang sa Metro Manila para maibenta ang kanilang palay products ngayong harvest season.

Ito’y matapos magbukas na rin ng palay buying station ang National Food Authority (NFA) sa National Capital Region (NCR) at kalapit lalawigan ng Cavite at Antipolo City.

Ayon sa NFA, bukas na ang palay buying station nito sa UN Avenue sa Paco Maynila gayundin ang Antipolo GID Warehouse 2 ng East District Office nito sa 38 Manuel L. Quezon Ext. sa Barangay San Roque, Antipolo, Rizal.


Bukas na rin ang buying station ng NFA sa General Trias warehouse sa Pasong Kawayan 1, General Trias, Cavite.

Hanggang ngayon, patuloy ang aktibong palay buying activities ng NFA sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Binibili nito ang malinis at tuyong palay na may 14% moisture sa halagang P19 kada kilo.

Maaaring pumunta lamang ang mga magsasaka sa pinakamalapit na buying stations ng NFA at kapag may kalayuan naman ang lugar, may mga procurement teams ang pumupunta para kuhanin ang ipinagbibiling palay.

Facebook Comments