
Cauayan City – Nilinaw ng National Food Authority (NFA) ang dahilan sa likod ng mahabang pila ng mga magsasakang nais magbenta ng palay sa kanilang mga bodega sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay NFA Isabela Provincial Manager Maria Luisa Luluquisen, dahil sa sabay-sabay na pag-ani ng produktong palay sa lalawigan, dagsaan at sabay-sabay rin ang pagdadala ng palay sa mga pasilidad ng ahensya.
Dagdag pa niya, kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon ang tatlong pangunahing bodega ng NFA sa Tumauini, Burgos, at Roxas, sanhi upang maging limitado lamang ang mga warehouse na maaaring tumanggap ng palay.
Sa kabila nito, nananatiling bukas ang mga bodega sa Santiago City, Ramon, Cabatuan, Mallig, Alicia, Echague, at Gamu para sa tuloy-tuloy na pagbili ng aning palay.
Ibinahagi rin ni Luluquisen na patuloy ang pag-iisyu ng mga stock sa mga miller contractors, dahilan upang magkaroon ng karagdagang espasyo sa mga bodega para sa mga bagong delivery ng palay mula sa mga magsasaka.
Sa datos ng NFA, nasa 115,000 bags ng palay na ang nabili ngayong 2025 mula sa target na 780,000 bags.
Ang kasalukuyang government buying price ay P24.00 kada kilo para sa tuyong palay, habang P18.00 naman kada kilo para sa sariwang palay na may moisture content na 14% hanggang 25%.