Kinalampag ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang mga ahensya ng gobyerno at ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na agad aksyunan ang nararanasan ngayon na rotational brownout sa Western Visayas.
Ito ay para hindi na maulit ang nangyaring apat na araw na malawakang brownout sa rehiyon matapos ang pagdiriwang ng bagong taon.
Sobra ang pagkadismaya ni Poe dahil mayroon nanamang power outages sa Western Visayas gayong hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Senado sa naunang malawakang pagkawala ng suplay ng kuryente sa lugar at hindi pa napapanagot ang mga responsable rito.
Pinagdodouble time ng senadora ang NGCP at mga ahensya sa pagresolba sa problema, ito man ay may kinalaman sa suplay, generation, o transmission side upang di na maulit ang mahirap na dinanas doon ng ating mga kababayan.
Iginiit pa ni Poe na hindi dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga taga Visayas ang paulit-ulit na blackout kung saan ang palaging nagdurusa ay mga household, paaralan, negosyo, at mga tanggapan ng gobyerno.